Nasawi ang isang hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group, habang dalawa pa ang nasugatan matapos makasagupa ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, dakong alas-sais ng umaga ngayong Huwebes, Nobyembre 12.
Ayon kay Lieutenant Colonel Loqui O. Marco, commanding officer ng 90th Infantry Battalion, bahagi ito ng pinagsanib na operasyon ng militar at pulisya upang isilbi ang mga warrant of arrest laban kina Tahir Salik, alyas Joross Salik o Zubair, at Samin Tagal, alyas Samin.
Nahaharap ang mga ito sa mga kasong murder, frustrated murder, at robbery.
Isinagawa ang operasyon sa Sitio Taligba, Barangay Kuloy. Ngunit nauwi sa palitan ng putok ang pagsisilbi ng warrant matapos umanong magpaputok ang mga suspek habang papalapit ang mga operatiba.
Patuloy namang inaalam ang iba pang detalye ng insidente.
Photo courtesy: wikipedia










