Nasawi ang isang magsasaka matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Balut, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, dakong alas-siyete kuwarenta ng umaga ngayong Huwebes, Nobyembre 12.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Tong Lumabao, residente ng nasabing barangay. Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng tricycle ang biktima at papunta sana sa highway nang lapitan at pagbabarilin ng suspek. Agad namang tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo patungo sa direksiyon ng Barangay Bongabong.
Narekober ng mga pulis ang limang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril. Matapos ang insidente, iniuwi ng pamilya ang labi ng biktima para sa kaukulang ritwal sa paglilibing ayon sa tradisyong Islamiko.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang pulisya upang matukoy at mahuli ang salarin, habang patuloy ding inaalam ang motibo sa pamamaril.
Photo courtesy: india.com










