Arestado ang isang tatlumpu’t limang taong gulang na indibidwal matapos mahuli sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis dakong alas-una at limampu ng hapon noong Nobyembre 11, sa Purok 8, Barangay Bagua 3, Cotabato City. Kinilala ni Police Station 4 Chief PCaptain Kenneth Van Encabo ang suspek na si Jennia Usman, alyas Nadex, residente ng Purok 6, Bagua 3.
Nasamsam mula sa suspek ang tatlong maliliit na pakete na hinihinalang naglalaman ng shabu. Tinatayang may bigat itong zero point twelve grams at nagkakahalaga ng walong daan at labing-anim na piso.
Dadalhin ang suspek sa Women Detention Facility habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang isinusulong ng mga pulis ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa lungsod.










