Natagpuan na ang bangkay ng isang 33-anyos na buntis na babae na naiulat na tumalon umano mula sa tulay patungo sa ilog sa Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao del Sur, noong Martes ng gabi, Nobyembre 3.
Kinilala ang biktima na si Aleja Badal Pinagayao, residente ng Barangay Magaslong, Datu Piang, at walong buwang buntis. Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Datu Piang Municipal Police Station bandang alas-9:50 ng gabi hinggil sa isang babae na umano’y tumalon mula sa tulay patungo sa ilog.
Sa paunang imbestigasyon, batay sa salaysay ng mga saksi, nakita umano ang biktima na naglakad patungo sa gilid ng tulay bago tumalon sa tubig. Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Datu Piang MPS, Bureau of Fire Protection, 1402nd Regional Mobile Force Battalion at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Umaga ng Nobyembre 4, natagpuan ang bangkay ng biktima sa bahagi ng ilog sa Upper Taviran, Mother Kabuntalan, Maguindanao del Norte. Bandang alas-9:30 ng umaga nang mai-turn over ang mga labi sa pamilya para sa kaukulang disposisyon at huling ritwal.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari at mga posibleng dahilan ng insidente.










