Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Bual, Barangay Badak, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Jeffry” at “Jomar.” Isinagawa ang operasyon ng mga awtoridad bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga.
Nakumpiska umano mula sa dalawang suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu, isang glass tooter, lighter, ilang bala ng baril at iba pang hinihinalang drug paraphernalia. Agad namang isinailalim sa kustodiya ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station ang mga naaresto para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa illegal possession of live ammunition. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may iba pang indibidwal na sangkot sa ilegal na aktibidad.










