Patay ang umanoy isang 27-anyos na babaeng barangay secretary matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa isang open barn sa tabi ng Dados Farm-to-Market Road, Barangay Dados, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, bandang alas-11:00 ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Norhamina Lumayon Mustapah, residente ng Datu Kilay, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakipagkita umano ang biktima sa isang indibidwal sa SPDA, Datu Odin Sinsuat, upang bumili ng motorcycle muffler. Natagpuan na lamang siyang wala nang buhay bandang alas-1:05 ng hapon.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ang tatlong basyo ng bala. Nawawala rin ang minamaneho nitong pulang Honda Wave 100 na may plakang 4064 NF, gayundin ang ilan sa kaniyang mga personal na kagamitan.
Tinitingnan ng pulisya ang posibilidad na pagnanakaw ang motibo sa krimen, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang salarin at ang tunay na dahilan ng pamamaril










