Nagsagawa ng peace settlement sa pagitan ng dalawang kumander ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Datu Salibo, Maguindanao del Sur, upang maresolba ang kanilang sigalot sa mapayapang paraan. Kabilang sa nagkasundo sina Junior Mamantal, Brigade Commander ng 118th Base Command, at Bangkaling Laguiab, Brigade Commander ng 106th Base Command.
Idinaos ang pagpupulong sa Municipal Hall ng Datu Salibo, sa pangunguna ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at militar. Dumalo rin si 38th Infantry Battalion Commanding Officer Lieutenant Colonel Mark Anthony P. Tornalejo at Datu Salibo Mayor Khominie B. Sandigan.
Layunin ng pag-uusap na maresolba ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang panig sa pamamagitan ng dayalogo at pagkakasundo sa halip na karahasan. Inaasahang makatutulong ang hakbang na ito upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang panibagong sigalot sa komunidad.










