Iba’t ibang baril, bala at pampasabog ang boluntaryong isinuko ng mga residente mula sa apat na barangay sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Pinangasiwaan ng 5th Marine Company ng 5th Marine Rifle Battalion ang pagsuko ng mga armas mula sa mga barangay ng Badak, Linek, Tapian at Mompong.
Kabilang sa mga isinukong armas ang dalawang kalibre .38 na rebolber, Uzi submachine gun, improvised M14 rifle, X9 9mm firearm at isang gawang-bahay na shotgun. Kasama rin dito ang mga magazine, bala at isang M203 grenade.
Ayon sa mga Marines, bahagi ito ng kanilang pagsisikap na mabawasan ang pagkalat ng mga loose firearms at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa mga komunidad.
Patuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga residente at lokal na pamahalaan upang palakasin ang kaayusan at pangmatagalang kapayapaan sa lugar.









