Nagsagawa ng konsultasyon ang Department of Public Works and Highways o DPWH kasama ang mga stakeholder para sa planong pagtatayo ng bagong Simuay Bridge sa Sultan Mastura, Maguindanao del Norte.
Isinagawa ang pagpupulong noong Nobyembre 13, 2026, sa Municipal GAD Building bilang bahagi ng paghahanda sa feasibility study at detalyadong disenyo ng proyekto.
Batay sa paunang plano, itatayo ang bagong tulay may 475 metro mula sa kasalukuyang tulay at magkakaroon ng kabuuang haba na 735 metro, kabilang ang mga daan at approach bridges.
Gagamitin umano ang tied arch-type design para sa pangunahing bahagi ng tulay na may habang 150 metro.
Kasama rin sa paghahanda ang pagsusuri sa posibleng epekto ng proyekto sa kapaligiran at pagkuha ng kinakailangang Environmental Compliance Certificate o ECC bago ang pagpapatupad nito.
Inaasahang makatutulong ang panukalang tulay sa pagpapabuti ng transportasyon at pagbiyahe ng mga residente sa lugar kapag naisakatuparan.










