Sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-BARMM ang mahigit ₱51-milyong halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga sa kanilang ika-16 na destruction activity nitong Nobyembre 18, 2026 sa Barangay Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ayon kay PDEA-BARMM Regional Director George Paul Alconvindas, kabuuang 84 na kaso mula sa iba’t ibang korte sa Cotabato City, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur at Midsayap ang saklaw ng pagsira sa mga ebidensya. Kabilang sa mga sinira ang 7.4 na kilo ng shabu, 605 gramo ng marijuana at mga expired na gamot na nagkakahalaga ng mahigit ₱500,000.
Nasaksihan ang aktibidad ng mga kinatawan ng hudikatura, pulisya, NICA-BARMM, civil society groups, mga opisyal ng pamahalaan at media. Ayon sa PDEA, sinunod ang tamang proseso ng pagsira sa mga nakumpiskang droga upang matiyak ang transparency at pananagutan sa paghawak ng mga ebidensya.
Bahagi ito ng patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga sa Bangsamoro region.










