Natagpuang patay ang isang 32-anyos na lalaki sa Sitio Panay, Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Dennes Lamis Irana, may-asawa at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa paunang ulat, bandang alas-9 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang Parang Municipal Police Station tungkol sa isang bangkay na nakita sa lugar. Agad namang rumesponde ang mga pulis at isinailalim sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives o SOCO ang pinangyarihan.
Batay sa imbestigasyon, isang nangangalap ng niyog ang unang nakakita sa bangkay at agad itong ipinaalam sa mga residente. Napag-alaman ding nawawala na ang biktima mula pa noong Nobyembre 16, matapos dumalo sa isang burol ngunit hindi na nakauwi.
May mga nakitang pasa sa mukha ng biktima at nasa kalagayan na rin ng pagkabulok ang katawan nang matagpuan. Hinala rin ng mga imbestigador na maaaring hindi sa lugar kung saan ito natagpuan nangyari ang krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng Parang Police upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay, motibo at kung sino ang nasa likod ng insidente.









