Pinuri ni Commission on Elections o COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang mga botante, kandidato, partido at iba’t ibang sektor na naging bahagi ng matagumpay na pagdaraos ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ayon kay Garcia, hindi naging perpekto ang halalan dahil sa ilang insidente ng karahasan at umano’y pagtatangkang dayain ang resulta, kabilang ang pre-shading o maagang paglalagay ng marka sa mga balota.
Sinabi ni Garcia na iniimbestigahan na ang mga insidente at pananagutin ang mga mapatutunayang sangkot. Sa kabila nito, sinabi ng COMELEC na nanatiling kalmado ang malaking bahagi ng Bangsamoro, kaya naisagawa ang halalan nang maayos at mapayapa.
Pinuri rin ni Garcia ang mga botante, kandidato at partido sa pagpili ng mapayapang paraan upang maipahayag ang kanilang kagustuhan sa pamamagitan ng balota. Umabot naman sa 84.34 porsyento ang voter turnout sa unang Bangsamoro Parliamentary Elections.










