Inilagay ng Commission on Elections o COMELEC sa ilalim ng kontrol nito ang Cotabato City at Maluso, Basilan kaugnay ng kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections, matapos maitala ang mga insidente ng karahasan at problema sa mga balota. Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, nakapagtala ng mga pagsabog at isang insidente ng pamamaril sa Cotabato City noong Linggo ng gabi.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan dahil sa mga pagsabog. Gayunman, tatlong katao ang nasawi at 15 iba pa ang sugatan sa hiwalay na insidente ng pamamaril sa lungsod.
Samantala, iniulat ni Garcia na 36 sa kabuuang 68 precincts sa Maluso, Basilan ang nakitaan ng mga balotang mayroon nang pre-shaded o may mga bahaging namarkahan na bago pa man gamitin sa aktuwal na botohan.
Dahil dito, iniutos ng COMELEC ang muling pag-imprenta ng mga balota para sa mga apektadong precinct upang matiyak ang integridad at kredibilidad ng proseso ng halalan.
Binigyang-diin naman ni Garcia na walang failure of elections na idineklara sa mga lugar na ito. Gayunman, maaantala ang pagboto sa mga apektadong precinct dahil kailangang ipadala ang mga bagong balota mula sa National Printing Office sa Maynila patungong Zamboanga, bago ihatid ang mga ito sa Basilan
Patuloy namang mino-monitor ng COMELEC at mga security authorities ang sitwasyon sa Cotabato City at Maluso upang matiyak ang seguridad ng mga botante at election personnel, gayundin ang maayos na pagpapatuloy ng halalan.










