Pitong basyo ng bala mula sa 5.56 rifle ang narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng pamamaril sa Purok Bagal, Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City, isang araw bago ang nakatakdang 2026 BARMM Parliamentary Election. Bukod sa pitong basyo ng bala, nakarekober din ang mga awtoridad ng isang hindi pumutok na bala na kalibre 5.56 sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Cotabato City Police Office, ilang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay umano ng itim na minivan na walang plaka ang dumating sa lugar.
Bumaba umano ang mga ito mula sa sasakyan at nagpaputok ng baril, bago mabilis na tumakas patungo sa hindi pa natukoy na direksyon.
Sa ngayon, wala namang naitalang nasugatan kaugnay ng insidente. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga responsable, pati na ang kanilang motibo sa isinagawang pamamaril.
Photo Courtesy: Cotabato City PNP










