Tatlong katao ang nasawi habang 15 iba pa ang sugatan sa naganap na pamamaril sa harapan ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua 2, Cotabato City, pasado alas-11:40 gabi ng Setyembre 13.
Kabilang sa mga nasawi ang 88-anyos na si Edar Kasan Andog, residente ng Purok Tulingan sa naturang barangay, habang hindi pa nakikilala ang dalawa pang lalaking nasawi. Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagtipon sa lugar ang ilang grupo ng mga tao na maagang pumila para sa kauna-unahang BARMM Parliamentary Election ngayong Setyembre 14.
Nagkaroon umano ng siksikan at pagtutulakan sa pagitan ng ilang indibidwal na nauwi sa mainitang pagtatalo, bago sumiklab ang pamamaril. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Cotabato City Police Office, katuwang ang mga tauhan ng PRO 12, RMFB 14-A, CMFC, MBLT 6, 4th SAB at SAF.
Samantala, isinugod naman sa pinakamalapit na mga ospital ang 15 sugatan para sa agarang medical treatment. Batay sa mga basyo ng bala na narekober sa crime scene, pinaniniwalaang caliber .45 at 9mm na mga baril ang ginamit sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy at maaresto ang mga nasa likod ng pamamaril, gayundin ang pagkakakilanlan ng dalawa pang nasawi at ang iba pang mga biktima.
Photo Courtesy: Cotabato City PNP










