Mayroon nang person of interest ang Philippine National Police o PNP-Cotabato City sa Pangunguna ni PLT ROCHELLE D. EVANGELISTA, Public Information ng Cotabato City Police Office (CCPO) kaugnay ng naganap na pagnanakaw sa isang miyembro ng Bureau of Fire Protection o BFP sa lungsod. Ito ang ibinahagi ng pulisya sa Juander Radyo Cotabato sa isinagawang panayam kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa insidente.

Ayon sa pulisya, patuloy nilang hinahanap at bineberipika ang pagkakakilanlan ng naturang person of interest, na sinasabing may nauna nang kaso. Matatandaang isang miyembro ng BFP ang naging biktima ng pagnanakaw sa Barangay Rosary Heights 4 o RH-4, Cotabato City, kung saan tinangay umano ang kanyang pera at ilang alahas.
Patuloy naman ang pangangalap ng impormasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente at matukoy kung may sapat na ebidensya na mag-uugnay sa person of interest sa naturang krimen.
Samantala, nanawagan ang biktima sa suspek na huwag nang ulitin ang naturang gawain at sa halip ay baguhin ang kanyang buhay. Hinimok din nito ang suspek na gamitin ang pagkakataon upang magsimula muli at mamuhay nang maayos, sa halip na muling masangkot sa anumang krimen. Patuloy namang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.










