Inihahanda na ng Cotabato City Police Office o CCPO ang mga augmented police personnel na ide-deploy sa lungsod bilang bahagi ng seguridad para sa BARMM Parliamentary Elections 2026.
Isinailalim sa oryentasyon ang mga dagdag na tauhan ng PNP mula sa Police Regional Offices 9, 11 at 12, gayundin mula sa Regional Mobile Force Battalion 14-A, nitong Setyembre 10 sa DPWH Gymnasium sa Cotabato City.
Pinangunahan ang oryentasyon ni PLtCol Yancee Butch S. Gulocan, Deputy City Director for Operations, sa ilalim ng pamumuno ni PCol Jibin M. Bongcayao, City Director ng CCPO. Tinalakay sa mga tauhan ang mga lugar na may security concerns, gayundin ang kanilang deployment at activity matrix na magsisilbing gabay sa operasyon.
Kasama rin sa paghahanda ang kanilang billeting, pagkain at suplay ng tubig, pati ang tamang pagpapatupad ng mga checkpoint at iba pang election-related protocols.
Layunin ng CCPO na matiyak ang organisado at mabilis na pagtugon ng mga pulis sa anumang posibleng banta sa seguridad habang isinasagawa ang halalan sa Lunes, Setyembre 14, 2026.
Photo Courtesy: CCPO










