Sugatan ang isang babaeng negosyante matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa harap ng kanyang apartment sa Site 2, Barangay Tamontaka 1, Cotabato City. Kinilala ang biktima na si Lholeta Mustapha Bakang, residente ng Katibpuan, Talayan, Maguindanao del Sur.
Ayon sa Cotabato City Police Office, nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa tiyan at ibabang bahagi ng katawan. Agad siyang isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center para sa agarang lunas at patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.
Samantala, dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente. Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, posibleng may kaugnayan sa negosyo ng biktima ang motibo sa pamamaril, bagama’t patuloy pa itong bineberipika ng mga imbestigador.
Napag-alaman din na nangungupahan lamang ang biktima sa lugar at kagagaling lamang nito sa Vietnam bago nangyari ang pamamaril. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, pati na rin ang tunay na motibo sa likod ng insidente.
Nanawagan ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon tungkol sa pamamaril na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang makatulong sa imbestigasyon.
Photo Courtesy: Joyful Andres









