Tinatayang aabot sa P463,500 ang kabuuang halaga ng mga alahas, gadget at iba pang gamit na umano’y natangay sa isang insidente ng pagnanakaw sa Purok Tulungan 2, Barangay Rosary Heights 4, Cotabato City. Batay sa police report, nangyari ang insidente dakong alas-2:40 ng madaling-araw at na-ireport sa pulisya dakong alas-9:00 ng umaga sa parehong araw.
Ang biktima ay isang 42-anyos na babaeng residente ng lugar, habang kinilala naman ng pulisya ang itinuturong suspek bilang isang 22-anyos na lalaki, residente ng Barangay Kalanganan, Cotabato City.
Ayon sa ulat, pumasok umano ang suspek sa bahay ng biktima sa pamamagitan ng isang hindi naka-lock na bintana. Kabilang sa mga naiulat na nawawala ang isang Rado watch na nagkakahalaga ng P120,000, tatlong piraso ng gold rings na nagkakahalaga ng P95,700, dalawang pares ng gold earrings na P62,100, dalawang gold necklaces na P100,800, isang gold bracelet na P54,700, isang Samsung tablet na P28,000, at P2,200 cash. Naiulat din na kabilang sa mga nakuha ang ilang identification at bank-related cards ng biktima.
Sa kabuuan, umabot sa P463,500 ang tinatayang halaga ng mga ninakaw, hindi kabilang ang mga dokumento at identification cards. Samantala, sa isinagawang CCTV review, nakita umanong pumasok ang suspek sa bahay sa pamamagitan ng bintana at lumabas naman sa pintuan sa harapan matapos isagawa ang krimen.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad dakong alas-9:10 ng umaga upang tugisin ang suspek. Sa isinagawang crime scene processing, nakakuha rin ang mga awtoridad ng dalawang developed latent fingerprints mula sa sliding window, gayundin ng isang set ng cotton swab samples mula sa inner portion ng window frame.
Patuloy namang isinasagawa ng pulisya ang imbestigasyon kaugnay sa insidente at ang paghahanap sa suspek.










