Sugatan ang isang 50-anyos na babaeng empleyado ng Provincial Capitol matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Bayawa, President Quirino, Sultan Kudarat, bandang alas-7 ng umaga.
Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng itim na motorsiklo ang mga suspek nang biglang pinaputukan ng back rider ang biktima habang naghihintay ng masasakyang tricycle sa national highway.
Tinamaan ng bala ang kaliwang bahagi ng kaniyang baywang at agad siyang dinala sa Buluan District Hospital para malapatan ng lunas. Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Buluan, Maguindanao del Sur.
Patuloy ang pagtugis ng mga pulis sa mga salarin habang inaalam pa ang motibo sa likod ng pamamaril.










