Nagbabala ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na recruiter ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Bangsamoro.
Kasunod ito ng paglilinaw ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na walang awtorisadong pangangalap ng mga bagong miyembro para sa Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF.
Hinimok ni OPAPRU Secretary Mel Senen S. Sarmiento ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga kinikilalang opisyal ng MILF o sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang recruitment.
Pinayuhan din ang mga mamamayan na huwag agad maniwala o magpakalat ng impormasyong hindi pa beripikado.
Tiniyak naman ng OPAPRU na magpapatuloy ang pakikipagtulungan nito sa MILF upang mapanatili ang mga napagkasunduang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.










