Muling binibigyang-pansin ng kasalukuyang administrasyon ng Bangsamoro Government ang isang polisiya na nagbibigay ng pagkakataon sa mga kwalipikadong Mujahideen at Mujahidat na makapasok sa serbisyo publiko.
Ang nasabing polisiya ay unang inilabas noong panahon ni dating Chief Minister at MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim sa pamamagitan ng Executive Order No. 0054, Series of 2022, na nilagdaan noong Abril 29, 2022.
Nakasaad sa kautusan ang mga patakaran para maipatupad ang Article 305 ng Bangsamoro Civil Service Code. Sa ilalim nito, maaaring bigyan ng prayoridad ang mga kwalipikadong Mujahideen at Mujahidat mula sa MILF at MNLF sa mga entry-level plantilla positions na may Salary Grade 9 pababa.
May nakalaan ding hanggang 30 porsiyento ng kabuuang posisyon sa nasabing salary grade para sa naturang espesyal na probisyon.
Muling binigyang-diin ni bagong Ministry of Labor and Employment o MOLE Minister Atty. Kitem Kadatuan Jr. ang pagpapatupad nito, bilang bahagi ng mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon na palawakin ang oportunidad para sa mga dating Mujahideen at Mujahidat na makapaglingkod sa pamahalaan.
Gayunman, hindi awtomatikong nangangahulugan na lahat ng aplikante ay matatanggap. Kailangan pa ring dumaan sa proseso ng pagpapatunay at sertipikasyon mula sa Central Committee ng MILF o MNLF, gayundin sa iba pang kwalipikasyon at patakarang nakasaad sa kautusan.
Samantala, pinag-aaralan din ang posibilidad na maiugnay ang naturang polisiya sa pagkuha ng mga Job Order at Contract of Service workers. Ngunit nilinaw sa umiiral na Executive Order na nakatuon ito sa mga regular na plantilla positions, kaya kailangan pang tukuyin ang mekanismo para sa JO at COS hiring.
Sa pagpapatuloy ng polisiyang ito, muling nabubuksan ang usapin tungkol sa pagkilala sa kontribusyon ng mga Mujahideen at Mujahidat at ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataong maging bahagi ng serbisyo publiko sa Bangsamoro Region.










