Dalawang lalaki ang nasawi matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Sitio Olonggapo, Barangay Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao del Sur, nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 9, 2026.
Kinilala ang mga biktima na sina Akmad Matabalao Pendililang, 32-anyos, at Ali Mling, 24-anyos. Kapwa sila residente ng Sitio Bago, Barangay Katil sa nasabing bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Datu Paglas Municipal Police Station, magkaangkas ang dalawa sa isang Bajaj motorcycle na walang plaka nang bigla silang pagbabarilin ng mga armadong salarin na umano’y sumusunod sa kanila.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang Skygo motorcycle. Isa sa mga biktima ang isinugod pa sa ospital, subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician. Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ang dalawang lalaki na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Sa isinagawang pagsisiyasat sa pinangyarihan ng insidente, nakakuha ang mga awtoridad ng dalawang basyo ng bala na hindi pa matukoy ang kalibre. Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang dahilan ng pamamaslang at matukoy ang lahat ng nasa likod nito.
Nagsasagawa na rin ng dragnet operation ang mga awtoridad, katuwang ang mga yunit ng militar at pulisya, para matunton at maaresto ang suspek na kinilala sa alyas na “Boy.”










