Arestado ng mga operatiba ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region o PRO BAR ang isang high-priority wanted person na kabilang sa Provincial Top 1 Most Wanted sa Maguindanao del Sur at Regional Top 8 Most Wanted sa buong rehiyon. Kinilala ang suspek na si Toraipe A. Lusod, alyas “Aripi Adam,” sa Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao del Sur.
Pinangunahan ng Shariff Aguak Municipal Police Station ang operasyon sa tulong ng iba pang yunit ng pulisya, kabilang ang Datu Unsay Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, at iba pang regional operating units. Isinagawa ang pag-aresto batay sa mga umiiral na warrant of arrest na may kaugnayan sa ilang kasong kriminal, kabilang ang mga alegasyon ng terorismo, frustrated murder, at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Iniuugnay rin ang suspek sa pag-atake gamit ang rocket-propelled grenade o RPG na naganap noong Enero bente-singko, dos mil bente-sais, na target umano si Shariff Aguak Mayor Akmad “Mitra” Ampatuan.
Nasamsam sa operasyon ang isang M4 rifle na kalibreng 5.56 millimeter, kasama ang isang magazine na kayang maglaman ng 45 bala, kung saan 35 ang aktuwal na laman at may isa pang bala sa chamber ng baril. Dinala ang suspek sa Shariff Aguak Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang proseso. Nanawagan naman ang PRO BAR sa publiko na agad iulat sa mga opisyal na himpilan ng pulisya o sa numerong 911 ang anumang kahina-hinalang aktibidad at impormasyong makatutulong sa paghahanap ng mga wanted person. Gayunman, itinuturing na inosente ang suspek hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa hukuman.










