Nagkaisa ang mga commander ng Moro Islamic Liberation Front o MILF, Moro National Liberation Front o MNLF, at Philippine National Police o PNP upang higit pang palakasin ang kapayapaan at seguridad sa Maguindanao del Sur. sa Camp Datu Akilan, Ampatuan, Shariff Aguak, sa pangunguna ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office o MDS PPO, sa pamumuno ni Provincial Director PCOL Michael John C. Mangahis.
Kabilang sa mga pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang pagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at mga lider ng MILF at MNLF, pagpapanatili ng disiplina sa kanilang mga kasapi, at pagsunod sa mga napagkasunduan sa proseso ng kapayapaan. Tinalakay rin ang mga direksiyon ng pamahalaang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, partikular ang pagpapalakas ng serbisyong panlipunan, mga programa para sa kabataan, at mga proyektong naglalayong mapabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ni PCOL Mangahis ang kahalagahan ng pagtutulungan ng PNP, MILF, at MNLF sa pagpigil sa mga grupong nagdudulot ng banta sa seguridad at katahimikan ng mga komunidad. Ayon sa opisyal, mahalaga ang katapatan, disiplina, at sama-samang pananagutan upang mapangalagaan ang mga nakamit sa proseso ng kapayapaan. Inaasahan namang magpapatuloy ang koordinasyon ng mga panig upang maprotektahan ang mga mamamayan at maisulong ang isang mas mapayapa, ligtas, at maunlad na Maguindanao del Sur.










