Arestado ng Maguindanao del Sur Police ang isang lalaking hinihinalang kabilang sa mga nagplano ng pag-atake kay Shariff Aguak Mayor Akmad “Mitra” Ampatuan gamit ang Rocket-Propelled Grenade o RPG. Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Aripi Adam,” na naaresto sa bayan ng Datu Unsay.
Ayon sa ulat, nakuha mula sa suspek ang isang M4 rifle na may lamang bala, gayundin ang mga karagdagang bala. Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng papel ng suspek sa planong pag-atake sa alkalde at kung may iba pang indibidwal na sangkot sa nasabing insidente.
Napag-alaman din na iniuugnay ang suspek sa umano’y pagtatanim ng improvised explosive device o IED sa Police Provincial Headquarters noong nakaraang linggo. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong lawak ng posibleng pagkakasangkot ng suspek at makalap ang mga kinakailangang ebidensiya para sa kaukulang kasong isasampa laban sa kanya.










