Patay ang isang magsasaka matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa kahabaan ng national highway sa Barangay Nabalawag, Special Geographic Area o SGA ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM. Nangyari ang insidente dakong alas-diyes kwarenta’y singko ng umaga noong Sabado, Oktubre bente-kuwatro, dos mil bente-sais. Kinilala ang biktima na si Alex Talungon, residente ng Barangay Salunayan, Midsayap, North Cotabato.
Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng isang asul na Honda XRM motorcycle ang biktima at bumibiyahe mula Barangay Salunayan patungo sa Barangay Nabalawag nang umano’y sundan siya ng suspek na sakay naman ng isang minivan. Pagdating sa nasabing lugar, pinagbabaril umano ng suspek ang magsasaka, na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.
Sa kasalukuyan, hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at patuloy pang iniimbestigahan ang motibo sa likod ng pamamaril. Inaalam din ang mga pangyayari bago at pagkatapos ng insidente upang matukoy ang responsable sa krimen. Patuloy naman ang panawagan para sa agarang paglutas sa kaso at pagpapanagot sa sinumang mapatutunayang sangkot sa pamamaslang.










