Inaasahang aabot sa sampung libong katao mula sa iba’t ibang sektor ang dadalo sa Prayer Rally for Peace and Solidarity na gaganapin sa Cotabato City Plaza ngayong Oktubre 22.
Humiling ng permit ang Bangsamoro Inter-Religious Leaders for Inclusive Governance kay Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” D. Matabalao para sa pagsasagawa ng naturang pagtitipon mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-una ng hapon.
Sa liham na may petsang Oktubre 20 at pirmado ni Dr. Abdul Hannan M. Tago, tagapagsalita ng grupo, sinabi nitong layunin ng prayer rally na palakasin ang kapayapaan, pagkakaisa, inklusibong pamamahala, at mabuting ugnayan sa mga komunidad.
Nangako rin ang mga tagapag-organisa na makikipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod ng Cotabato, Philippine National Police o PNP, at iba pang kinauukulang ahensiya upang matiyak ang kaayusan, seguridad, at maayos na daloy ng programa.
Gayunman, batay sa liham, kahilingan pa lamang ang permit para sa aktibidad. Wala pang kumpirmasyon kung naaprubahan na ang pagsasagawa ng prayer rally.










