Isinasagawa ngayong araw, Setyembre 14, ang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections 2026, kung saan nagtutungo sa kani-kanilang polling precincts ang mga rehistradong botante sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM upang bumoto para sa kanilang mga magiging kinatawan sa Parlamento.
Mahalaga ang halalang ito dahil dito pipili ang mga mamamayan ng mga kinatawan na inaasahang magsusulong ng kanilang mga interes, pangangailangan at mga programa para sa patuloy na pag-unlad ng Bangsamoro.
Sa araw ng halalan, mahigpit na ipinapatupad ng mga awtoridad ang mga itinakdang election protocols at security measures sa mga polling center at iba pang lugar na itinuturing na mahalaga sa seguridad ng halalan.
Layunin ng mga hakbang na ito na matiyak ang maayos, mapayapa, ligtas at malayang pagboto ng mga mamamayan, gayundin ang pagpapanatili ng kaayusan sa bawat polling precinct.
Patuloy rin ang pagbabantay ng mga law enforcement agencies at iba pang katuwang na ahensya upang agad na matugunan ang anumang insidente o paglabag sa mga patakaran sa halalan.
Samantala, pinaaalalahanan ang lahat ng botante na gamitin nang responsable ang kanilang karapatang bumoto, tiyaking tama ang kanilang mga iboboto at sundin ang lahat ng panuntunang ipinatutupad ng Commission on Elections o COMELEC.
Hinihikayat din ang mga botante na panatilihin ang kaayusan at respeto sa kapwa habang isinasagawa ang pagboto, at iwasan ang anumang gawain na maaaring makasagabal sa maayos na proseso ng halalan.
Sa unang Parliamentary Elections ng BARMM, nakatuon ang atensyon ng publiko sa maayos na pagsasagawa ng proseso at sa magiging resulta nito para sa susunod na yugto ng pamamahala sa Bangsamoro.










