Nakiisa si Maguindanao del Sur Governor Datu Ali M. Midtimbang Sr. sa pagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Datu Paglas. Idinaos ang pagdiriwang sa Municipal Gymnasium sa Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao del Sur.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan para sa patuloy na pag-unlad ng kanilang mga komunidad. May temang “Sustaining Enhanced Multi-Sectoral Cooperation in Advocating Good Governance” ang pagdiriwang. Layunin nitong palakasin ang pagtutulungan ng pamahalaan at iba’t ibang sektor upang mas maayos na maipatupad ang mga programa at serbisyo para sa publiko.
Dumalo rin sa okasyon si Datu Paglas Mayor Ibrahim P. Paglas IV, kasama ang mga opisyal, kawani ng lokal na pamahalaan, at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor. Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, patuloy nitong susuportahan ang mga programa ng mga lokal na pamahalaan para sa maayos na pamamahala at pantay na pag-unlad ng mga bayan sa Maguindanao del Sur.










