Inaprubahan ng Bangsamoro Parliament ang bagong Standing Orders at Session Calendar na magsisilbing gabay sa mga sesyon at opisyal na gawain ng Parlamento sa ilalim ng regular parliamentary system. Pinagtibay ang dalawang resolusyon noong Nobyembre 24, sa ikalawang sesyon ng First Regular Session ng First Bangsamoro Parliament. Kabilang sa mga mambabatas na sumuporta rito si MP Zulfikar-Ali “Sol” S. Bayam.
Sa Resolution No. 1, pinagtibay ang bagong Standing Orders o mga tuntunin at proseso na susundin sa mga sesyon ng Parlamento, mga pagpupulong ng komite, at iba pang gawaing pambatas.
Samantala, sa Resolution No. 2, inaprubahan naman ang iskedyul ng mga sesyon para sa kasalukuyang regular session. Ang mga bagong tuntunin ay ibinatay sa parliamentary system ng Westminster sa United Kingdom. Kabilang dito ang malinaw na tungkulin ng mayorya at oposisyon, pati ang mga patakaran para sa mas bukas at responsableng pamamahala.
Papalitan din ng mga bagong tuntunin ang mga dating patakarang ginamit noong panahon ng transisyon. Batay sa inaprubahang iskedyul, magsisimula ang mga plenary session sa Disyembre 9, 2026, habang nakatakda naman ang mandatory adjournment o pormal na pagpapahinto ng sesyon sa Setyembre 16, 2027.










