Nagsagawa ng talakayan ang mga tauhan ng Cotabato City Police Office o CCPO tungkol sa pang-aapi sa paaralan o bullying at mga dapat gawin sakaling magkaroon ng pamamaril sa loob ng paaralan. Isinagawa ang aktibidad sa PC Hill Elementary School sa Rosary Heights 1, Cotabato City.
Pinangunahan nina PSMSgt. Ma. Josephine Paparon, PSMSgt. Tadzmina Amil, at PCpl. Donna Bagumbaran ang talakayan kasama si School Head Norhanudin Bryan Adam. Dinaluhan ito ng mga mag-aaral mula Grade 1, Grade 2, at Grade 6.
Tinalakay sa mga bata ang masamang epekto ng bullying, kahalagahan ng paggalang sa kapwa, at pagiging mabait sa kanilang mga kamag-aral. Hinimok din ang mga mag-aaral na magsumbong sa kanilang mga guro o magulang kapag nakararanas o nakakakita ng pang-aapi.
Kasabay nito, ipinaliwanag din sa kanila ang kahalagahan ng pagiging alerto at ang mga dapat gawin kung magkaroon ng pamamaril sa loob ng paaralan. Bahagi ang aktibidad ng pagdiriwang ng Children’s Month at programa ng CCPO para matiyak ang kaligtasan ng mga bata at magkaroon ng ligtas na kapaligiran sa mga paaralan.










