Patay ang isang 38-anyos na guro ng Islamic Studies and Arabic Language o ISAL matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa pampublikong pamilihan sa Barangay Mataya, Buldon, Maguindanao del Norte, bandang alas-5:10 ng umaga noong Nobyembre 9, 2026.
Kinilala ang nasawi na si Alim Saad Casad Abdulhamid, residente ng nasabing barangay. Nagtapos umano siya ng pag-aaral sa Islamic University of Madinah sa Kingdom of Saudi Arabia.
Samantala, kumakalat ang impormasyon mula sa pamilya at mga taong nakakakilala sa biktima na namatay na rin umano ang taong itinuturong responsable sa pamamaril sa pamamagitan ng tinatawag na Qisas, isang konsepto sa batas Islam na tumutukoy sa katumbas na kaparusahan para sa isang taong napatunayang gumawa ng krimen.
Gayunman, wala pang malinaw na kumpirmasyon tungkol sa sinasabing pagpapatupad nito. Hindi rin batid kung saan at kailan ito naganap, o kung anong proseso ang sinunod.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na karagdagang detalye tungkol sa motibo sa likod ng pamamaril at kung ano ang naging ugat ng insidente.
Patuloy pang hinihintay ang opisyal na pahayag ng mga kinauukulang awtoridad upang malinawan ang buong pangyayari.










