Patay ang isang 68-anyos na retiradong miyembro ng Philippine Army matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa National Highway, Barangay Kurintem, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Kinilala ang biktima na si Danny Alif Lakim, residente ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagmamaneho ang biktima ng kaniyang Toyota Avanza patungong Cotabato City nang pagbabarilin ng suspek na sakay umano ng isang minivan.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang suspek at motibo sa pamamaril.










