Nilinaw ng Cotabato City Police Office o CCPO na walang naganap na “bakbakan” sa Mother Barangay Kalanganan, Cotabato City, taliwas sa kumakalat na ulat sa social media.
Ayon sa pulisya, walang nakumpirmang palitan ng putok o armadong sagupaan sa pagitan ng magkatunggaling grupo. Sa halip, iniimbestigahan ng CCPO ang insidente ng umano’y walang habas na pagpapaputok ng mga hindi pa nakikilalang armadong indibidwal. Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.
Patuloy ang beripikasyon at imbestigasyon ng pulisya kasama ang mga kaugnay na security unit upang matukoy ang mga responsable. Hinimok naman ang publiko na huwag magpalaganap ng mga impormasyong hindi pa beripikado upang maiwasan ang takot at kalituhan sa komunidad.










