Muling nanawagan ang Bureau of Fire Protection o BFP Cotabato City sa publiko na iwasan ang pagsusunog ng basura, lalo na ngayong matindi ang init ng panahon na maaaring magdulot ng sunog.
Ayon kay Acting Fire Marshal FSINSP Zulficar Anayatin Caseres, mahalagang itapon ang mga basura sa tamang lugar at huwag balewalain ang mga posibleng sanhi ng sunog sa loob at labas ng tahanan.
Pinayuhan din ng BFP ang mga residente na regular na suriin ang mga hose ng LPG upang matiyak na walang tagas. Dapat ding tingnan ang mga kawad ng kuryente at mga kagamitang de-kuryente kung maayos pa ang mga ito.
Paalala rin sa publiko na tanggalin sa saksakan ang mga appliances kapag hindi ginagamit at tiyaking wala nang natitirang baga sa pinaglutuan, partikular sa mga dirty kitchen.
Samantala, binigyang-diin ni City Fire Station Chief Intelligence and Investigation SFO1 Rolly Sulaiman na huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa BFP sa oras na makakita ng sunog, maliit man o malaki, upang agad itong maaksyunan at hindi na kumalat.










