Kumpleto na sa paunang pagsasanay ang walumpung halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament matapos sumailalim sa dalawang araw na oryentasyon tungkol sa paggawa ng batas at mga proseso sa loob ng Parlamento. Isinagawa ang aktibidad noong Nobyembre dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t dalawa sa Seda Hotel sa Bonifacio Global City, Taguig.
Kabilang sa mga dumalo sina Parliament Members Naguib Sinarimbo, Zulfikar-Ali Bayam, Abunawas Maslamama at Ishak Mastura. Tinalakay sa oryentasyon ang mga proseso sa paggawa ng batas, sistema ng mga komite, pagtalakay sa badyet at iba pang tungkulin ng mga miyembro ng Parlamento.
Ayon kay Bayam, malaking tulong ang mga natutunan sa pagsasanay upang mas maging maayos at mahusay ang kanilang pagtupad sa tungkulin bilang mga halal na kinatawan ng Bangsamoro.
Samantala, binigyang-diin nina Mastura at Sinarimbo na magagamit nila ang mga kaalamang ito sa pagpapalakas ng mga programa para sa mga magsasaka, mangingisda at sektor ng edukasyon sa rehiyon.
Inorganisa ang aktibidad ng Members of the Parliament Transition Team, katuwang ang Office of the Secretary-General at iba pang tanggapan ng Bangsamoro Parliament.










