Nagdagdag ng puwersang militar ang 33rd Infantry Battalion sa Nabalawag, Special Geographic Area o SGA-BARMM, kasunod ng naiulat na armadong sagupaan sa Sitio Alamada, Barangay Kadingilan.
Layunin ng hakbang na maiwasan ang panibagong labanan at hindi na lumala ang tensyon sa pagitan ng mga grupong sangkot sa insidente.
Kabilang sa ipinadalang karagdagang puwersa ang isang kompanya ng mga sundalo at isang Wheeled Armored Vehicle o WAV mula sa 3rd Cavalry Division ng Philippine Army.
Ayon sa ulat, layunin din ng pagpapalakas ng puwersa na mapanatili ang seguridad sa lugar at matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng 33rd Infantry Battalion sa mga kinauukulang awtoridad upang maiwasan ang panibagong kaguluhan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.










