Mariing kinondena ng Sangguniang Bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaslang na kinasangkutan ng isang dating barangay chairman at isang barangay kagawad.
Kabilang sa mga biktima ang dating chairman ng Barangay Dados na pinaslang sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat, at isang barangay kagawad na pinatay sa Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat.
Sa ika-dalawampu’t tatlong regular session ng konseho, nanawagan si Vice Mayor Datu Bobsteel Sinsuat sa mga awtoridad na magsagawa ng patas at masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga salarin at mapanagot ang mga ito sa ilalim ng batas.
Dumalo rin sa naturang sesyon sina Municipal Councilors Bai Sophia Abas, Datu Mohammad Yasser Sinsuat, Datu Uga Sinsuat, Datu Sorab Lumanggal, Datu Rahib Diocolano, Datu Norodin Abas, at Ted Moinggit, kasama si Indigenous Peoples Mandatory Representative Jomar Timpadan at ABC President Bai Iverose Sinsuat.
Binigyang-diin ng konseho ang kahalagahan ng pagbibigay ng katarungan sa mga biktima at kanilang mga pamilya, gayundin ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa mga komunidad.
Patuloy namang inaasahan ang maagap na pagkilos ng mga kinauukulang awtoridad upang mabigyang-linaw ang mga insidente at mapanagot ang sinumang mapatunayang sangkot sa mga krimen.










