Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isang buy-bust operation sa Barangay Neketan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, pasado alas-kuwatro ng madaling-araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Adulb Sansaluna Delna at Alvin Guiambangan, kapwa magsasaka at residente ng nasabing barangay.
Ayon kay Police Captain Sammy Paning, deputy chief of police ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, nagkaroon pa ng habulan sa palayan bago tuluyang naaresto ang dalawa.
Nakumpiska sa operasyon ang mga sachet ng hinihinalang ilegal na droga, mga glass tooter, drug paraphernalia, isang kalibre .45 na baril at mga magazine. Dalawa pang hinihinalang suspek ang nakatakas kasama ang kanilang matataas na kalibre ng baril.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga naaresto at posibleng maharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










