Muling ipinakita ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office o MDSPPO ang suporta nito sa pagsusulong ng kapayapaan sa Bangsamoro sa pamamagitan ng pakikibahagi sa turnover ng mga nakumpiskang o isinukong maliliit na armas at iba pang uri ng baril sa lalawigan.
Pinangunahan ni MDSPPO Director Police Colonel Michael John Mangahis ang aktibidad na naglalayong palakasin ang mga hakbang para sa normalisasyon at mapanatili ang kaligtasan ng mga komunidad sa Maguindanao del Sur.
Binigyang-diin sa pagtitipon ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pambansang pamahalaan, mga lokal na opisyal, at mga grupong katuwang sa proseso ng kapayapaan upang masubaybayan ang mga armas at maiwasan ang paggamit ng mga ito sa mga krimen at karahasan.
Dumalo rin sa aktibidad si Deputy Provincial Director for Operations Police Lieutenant Colonel Glenn Mar Avisa, kasama si Brigadier General Gremel Brual ng 6th Infantry Division, Lieutenant Colonel Loqui Marco ng 90th Infantry Battalion, at iba pang kinatawan ng Philippine Army.
Nakibahagi rin ang mga lokal na opisyal, mga miyembro ng Bangsamoro Parliament, mga kinatawan ng MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities, at ng Government of the Philippines Joint Normalization Committee.
Ayon sa MDSPPO, magpapatuloy ang pakikipagtulungan nito sa mga kinauukulang ahensya at organisasyon upang suportahan ang proseso ng normalisasyon at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Maguindanao del Sur.










