Arestado ang isang 37-anyos na lalaki matapos umanong barilin ang isang 43-anyos na lalaki sa Barangay Nituan, bayan ng Parang, Maguindanao del Norte, bandang alas-siyete trenta ng umaga. Kinilala ng pulisya ang suspek na si Dondon R. Martin, residente ng Cotabato City, habang ang biktima ay si Saro M. Basak, residente ng Barangay Gadungan, Parang, Maguindanao del Norte.
Batay sa ulat ng pulisya, naglalakad umano sa gilid ng kalsada ang biktima nang dalawang beses siyang paputukan ng suspek, na naging dahilan ng pagkakatama nito sa kanang binti. Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Parang Municipal Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek bandang alas-nuwebe ng umaga sa Barangay Nituan.
Dinala ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center o CRMC para sa karagdagang gamutan at kasalukuyang nasa ilalim ng hospital arrest habang patuloy na nilalapatan ng lunas. Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pamamaril at inihahanda ang kaukulang kaso laban sa suspek.










