Binigyang-diin ni Ministry of the Interior and Local Government o MILG-BARMM Minister Jordan Bayam na dapat igalang ang proseso ng sistemang parlamentaryo sa pagpili ng mga lider ng Bangsamoro Parliament, kabilang ang bagong Chief Minister.
Ayon kay Bayam, sa sandaling lumahok ang mga political party sa halalan, nangangahulugan itong tinatanggap nila ang mga patakaran at prosesong umiiral sa parliamentary system.
Sa ilalim ng sistemang ito, ang grupong may sapat na bilang ng mga miyembro o mayorya sa Parliament ang may kakayahang bumuo ng pamahalaan o tinatawag na Government of the Day.
Binigyang-diin din ni Bayam na walang sinuman ang dapat manghimasok, manakot o mamilit sa mga miyembro ng Parliament sa pagpili ng kanilang magiging lider.
Aniya, ang pagpapasya kung sino ang mamumuno ay nakasalalay sa mga halal na parliamentarian, na inaasahang malayang magpapasya alinsunod sa umiiral na batas at proseso ng parliamentary system.










