Nagtala ng 8.6 porsiyentong paglago ng ekonomiya ang Maguindanao del Sur mula 2024 hanggang 2025, batay sa ulat na inilahad sa Provincial Product Accounts Dissemination Forum on 2025 Economic Performance noong Oktubre 8, 2026, sa South Seas, Cotabato City.
Nakibahagi sa naturang forum ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur sa pamamagitan ng Office of the Provincial Planning and Development Coordinator o OPPDC.
Kinatawan ng lalawigan si Gng. Honey M. Kamsa, Senior Administrative Assistant, upang makakuha ng pinakabagong datos at impormasyon tungkol sa kalagayan ng ekonomiya ng lalawigan.
Batay sa ulat, nanatiling pangunahing haligi ng ekonomiya ng Maguindanao del Sur ang sektor ng agrikultura, kagubatan at pangisdaan. Sinundan ito ng sektor ng serbisyo at industriya.
Mahalaga ang mga datos na ito sa pagpaplano ng pamahalaang panlalawigan, lalo na sa pagtukoy ng mga prayoridad na sektor, programa, proyekto at mga estratehiya para sa pamumuhunan sa mga susunod na taon.
Sa pamamagitan ng paggamit ng napapanahon at mapagkakatiwalaang datos, layunin ng OPPDC na makatulong sa pagbuo ng mga programa at patakarang naaayon sa aktuwal na kalagayan, pangangailangan at potensyal ng mga mamamayan ng Maguindanao del Sur.










