Isang bagong kasanayan para sa dagdag na kita ang itinuro sa mga residente ng Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, sa pamamagitan ng dishwashing liquid-making activity sa ilalim ng Gender and Development o GAD Program. Isinagawa ang aktibidad noong Oktubre 7 sa GAD Building, Municipal Compound ng bayan. Pinangunahan ang aktibidad ni Mayor Datu Armando T. Mastura, kasama sina Madam Bai Ronda A. Mastura, MSWDO Elena G. Toribio at Nene T. Kali.
Layunin ng programa na mabigyan ang mga benepisyaryo ng bagong kaalaman at praktikal na kasanayan na maaari nilang gamitin bilang dagdag na pagkakakitaan. Sa pamamagitan ng naturang pagsasanay, hindi lamang bagong kaalaman ang natatanggap ng mga benepisyaryo, kundi mayroon din silang pagkakataong makapagsimula ng maliit na pagkakakitaan.
Patuloy naman ang lokal na pamahalaan ng Sultan Mastura sa pagpapatupad ng mga livelihood program na makatutulong sa mga residente na magkaroon ng dagdag na kita at mas mapabuti ang kanilang kabuhayan.










