Nagkasundo na ang mga grupong sangkot sa kamakailang armadong sagupaan sa Barangay Kalanganan, Cotabato City na itigil ang bakbakan at suportahan ang isasagawang joint investigation. Isinagawa ang consultative meeting sa Camp Siongco na pinangunahan ni 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Acting Commander BGen. Ricky Bunayog.
Nagpakita naman ng kooperasyon sa naturang pagpupulong sina Kalanganan Barangay Chairman Datu Bimbo Ayunan-Pasawiran at Ustadz Abusaima Hussain o Abu Shaima, Base Commander ng 128th Base Command ng BIAF-MILF. Dumalo rin ang mga kinatawan ng GPH-MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities o CCCH, AHJAG, at iba pang peace stakeholders. Isasagawa naman ang joint investigation at ocular inspection upang matukoy ang ugat ng mga nagdaang insidente.
Pangungunahan ni Cotabato City Police Office Director Col. Jibin Bongcayao, katuwang ang militar at mga peace mechanism, ang imbestigasyon sa insidente. Ayon kay BGen. Bunayog, mahalagang mapanatili ang pagpipigil at maiwasan ang panibagong palitan ng putok na maaaring maglagay sa panganib sa buhay at kaligtasan ng mga residente.Patuloy naman ang pagpapatrolya at operasyong panseguridad ng 6ID sa lugar habang isinasagawa ang mga hakbang para sa kapayapaan. Tiniyak din ng militar na ipatutupad ang batas laban sa sinumang lalabag at susubok na sumira sa umiiral na proseso ng kapayapaan.










