Pormal nang sinimulan ang pagtatayo ng bagong 10-storey Bangsamoro Parliament Building sa Bangsamoro Government Center, RH7, Cotabato City, kasabay ng pagbabalik sa sesyon ng Bangsamoro Transition Authority o BTA Parliament. Pinangunahan ang seremonya ni Bangsamoro Parliament Speaker Dr. Mohammad Yacob, kasama ang iba pang opisyal ng Bangsamoro Parliament, kabilang si Member of Parliament Atty. Sittie Fahanie S. Uy-Oyod.
Ang bagong gusali ay nakatakdang magsilbing pangunahing tanggapan ng mga miyembro ng Parlamento at maglalaman ng mga opisina, plenary hall, at mga meeting room para sa iba’t ibang legislative functions. Ayon sa pamunuan, nasa 800 milyong piso ang inilaan para sa unang phase ng proyekto at inaasahang matatapos ito sa loob ng tatlong taon.
Itatayo ang bagong Parliament Building sa mismong lugar kung saan nakatayo ngayon ang kasalukuyang BTA Parliament Building. Kasabay nito, naghahanda na rin ang mga appointed Parliament members para sa pag-upo ng mga bagong halal na Members of Parliament bilang bahagi ng paglipat mula sa interim BTA tungo sa unang regular Parliament sa Oktubre 30. Inaasahang magiging mahalagang bahagi ang bagong gusali sa pagpapatuloy ng mga gawain ng Bangsamoro Parliament at sa pagsasagawa ng mga sesyon at iba pang legislative functions.










