Mananatili muna sa Cotabato City ang 72nd Infantry Battalion ng 10th Infantry Division ng Philippine Army bilang reserve force, kasunod ng isinagawang assessment matapos ang Bangsamoro Parliamentary Elections. Ayon sa militar, patuloy na inoobserbahan ang sitwasyon sa ilang lugar habang hinihintay ang pag-upo ng mga bagong halal na opisyal ng Bangsamoro Parliament.
Ayon kay Lieutenant Colonel Ronald E. Suscano, spokesperson ng 6th Infantry Division, ipinatupad ng Armed Forces of the Philippines ang Red Alert status mula Agosto 15 hanggang Setyembre 29 bilang bahagi ng paghahanda at pagbabantay sa panahon ng halalan. Matapos ang halalan, ilang lugar na ang idineklarang mapayapa kaya maaari nang maibalik sa kanilang mga orihinal na assignment ang ilang batalyon na ipinadala bilang augmentation mula sa 10th Infantry Division sa Davao.
Gayunman, sinabi ni Suscano na may ilang tropa na mananatili sa mga lugar na kailangan pa ring obserbahan ang sitwasyon, kabilang ang Cotabato City. Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang militar sa mga lokal na awtoridad at iba pang security forces upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lungsod habang isinasagawa ang transition matapos ang halalan.










