Nangako ang 6th Infantry Division o 6ID at Joint Task Force Central na patuloy na susuporta sa mga law enforcement operation ng Philippine National Police o PNP laban sa mga indibidwal at grupong itinuturing na banta sa kapayapaan at seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Tinalakay ang naturang koordinasyon sa isang coordinating conference na isinagawa noong Setyembre 30 sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, na dinaluhan ng mga kinatawan ng 6ID/JTF Central, PNP at iba pang security agencies. Ayon kay Brig. Gen. Ricky P. Bunayog, kabilang sa maaaring maging suporta ng militar ang pagbibigay ng seguridad sa lawful service of warrants at iba pang lehitimong operasyon ng mga awtoridad, alinsunod sa kanilang mandato.
Binigyang-diin ni Bunayog na kailangang isagawa ang lahat ng operasyon alinsunod sa batas, umiiral na mga proseso, at may paggalang sa karapatang pantao. Hinimok din niya ang mga armadong grupo at indibidwal na talikuran ang karahasan at isuko sa legal na paraan ang kanilang mga ilegal na armas. Kasama rin sa mga tinalakay sa pulong ang humanitarian assistance, disaster response, galaw ng mga tropa at sibilyan, at post-election security operations sa BARMM, bilang bahagi ng patuloy na koordinasyon ng mga security agencies para mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Photo courtesy:6th Division










