Nasawi ang isang negosyante matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga armadong suspek sa Sitio Ipil-Ipil, Barangay Kadingilan, Nabalawag, Special Geographic Area o SGA-BARMM, dakong alas-dose y dies ng tanghali kanina. Kinilala ang biktima na si Darios Ondong Makakena, isang buy-and-sell merchant at residente ng Barangay Tumbras, Kadayangan.
Batay sa paunang imbestigasyon, patungo sana sa Poblacion ng Midsayap, Cotabato Province ang biktima kasama ang isa pang indibidwal at sakay ng motorsiklo nang bigla silang pagbabarilin ng mga salarin na sakay naman ng isang minivan.
Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril. Nagtamo ng mga tama ng bala ang negosyante na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Matapos ang insidente, kinuha ng pamilya ang mga labi ng biktima upang mabigyan siya ng maayos na libing alinsunod sa tradisyon at paniniwalang Islam. Sa ngayon, wala pang malinaw na motibo ang mga awtoridad sa krimen habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy at mahanap ang mga responsable sa pamamaril.










